Hinikayat ni Senate Committee on Higher and Technical Education Chairperson Senador Chiz Escudero ang Commission on Higher Education (CHED) na i-regulate ang gastusin sa mga meeting ng kanilang mga commissioner.
Sinabi ito ni Escudero kasunod ng puna tungkol sa pagsasagawa ng ilang CHED commissioner ng mas madalas na mga meeting kung saan sa mga state universities and colleges (SUCs) pinababayad ang gastos sa mga pagpupulong.
Sa Senate hearing, kinumpirma ng CHED na sa ngayon ay mayroon na lang silang dalawang functioning commissioners at isang chairperson.
Nasibak na kasi ng Office of the Ombudsman ang isa nilang commissioner habang nasa preventive suspension naman ang isa pa dahil sa grave misconduct at nepotism.
Pinabubusisi naman ni Escudero ang per diem ng mga dumadalo sa meeting ng mga commissioner lalo na kung sa Metro Manila lang naman ginagawa ang pagpupulong.
Aniya, hindi na dapat nanghihingi pa ng per diem kung sa Metro Manila lang naman ang meeting. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion