Upang makamit ang hangarin na Bagong Pilipinas, komited ang Department of Finance na ihatid ang epektibo at episyenteng mass transportation system sa bansa na pangunahing pangangailangan para sa ‘inclusive growth’.
Ayon kay Finance Secretary Ralph Recto, pagsusumikapan ng gobyerno na hindi masayang ang pinaghirapang buwis ng taumbayan dahil sa perwisyo ng trapik kaya puspusan ang pagpapatupad ng transportation infrastructures.
Base sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA), nasa P3.5 bilyon kada araw o katumbas na P1.27 trilyon kada taon ang nalulugi sa ekonomiya ng Pilipinas dahil sa traffic congestion.
Diin ni Recto, minamadali na ng administrasyong Marcos ang mga proyektong imprastruktura sa buong bansa upang maresolba ang traffic.
Kapag natapos ang Metro Manila Subway Project, tinatayang nasa P2.5 bilyon ang matitipid ng gobyerno dahil mababawasan ang gastos sa sasakyan, carbon emission at nasasayang na oras sa biyahe.
Aniya, utang ng pamahalaan sa mamamayan na tiyakin na ang kanilang pinaghirapang buwis ay mapupunta sa ‘world class’ na infrastructure projects.
Tiwala aniya siya sa kakayahan ni DOTr Sec. Jamie Bautista upang tapusin ang mga nakalinyang proyekto sa lalong madaling panahon. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes