Kinumpirma ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na hindi awtorisado ang kumpanyang Grab na mag-operate ng Motorcyle Taxi.
Tugon ito ni LTFRB Chairperson at MC Taxi Technical Working Group Teofilo Guadiz sa sulat ni Atty. Noel Valerio ng Maderazo Valerio and Partners sa pagkwestyon nito sa kung pinayagan bang mag-operate ang Grab bilang isang MC Taxi service.
Ayon kay Chair Guadiz, hindi binigyan ng anumang awtorisasyon ng TWG ang Grab na mag-operate bilang isang motorcycle taxi service kaya walang dahilan para makasama ito sa pilot study para sa MC taxi.
Dagdag pa nito, tanging Joyride, Angkas at Move It lamang ang pinayagan ng TWG para makiisa sa ginagawang pag-aaral nila hinggil sa usapin ng MC taxi operation sa bansa.
Nagpadala naman na aniya ang LTFRB sa Grab ng notice para sagutin kung bakit may ulat na iligal itong nag-ooperate ng motorcycle taxi sa Metro Manila at Cebu gayung wala itong permit at hindi ito MC taxi operator.
Kaugnay nito, itinuturing naman itong welcome development ni Atty. Ariel Inton ng Lawyers for Commuter Safety and Protection (LCSP) dahil nalinaw na rin ng TWG na ang Grab ay walang karapatan at walang legal mandate na mag-operate ng MC taxi service.
“Even the Philippine Competitive Commission and some of our esteemed Senators and members of Congress have spoken out against Grab who seeks to dominate the TNVS and MC Taxi business in the Philippines. It is with great gratitude that we thank Chairman Guadiz for having the fortitude to stand up against this foreign player with well documented history of abuses against the Filipino people and even its own drivers,” pahayag ni Inton. | ulat ni Merry Ann Bastasa