Inatasan House Joint Committee on Special Privileges ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na itaas na ang diskwento ng mga senior citizen sa “basic goods” sa ₱500 kada buwan.
Sa pagdinig ng Committees on Ways and Means, Senior Citizens, at PWDs, sinabi ni Albay Representative Joey Salceda na mula ₱65 kada linggo ay dapat itaas ng Department of Trade and Industry at Department of Agriculture ang senior citizen’s discount sa basic goods, sa ₱125 kada linggo o katumbas ng ₱500 kada buwan.
Paliwanag ni Salceda, ibinatay nila ang bagong diskwento sa halaga ng inflation kung saan ang adjustment ay papalo sa ₱126.31. Kaya bilang chairperson ng Ways and Means panel, ang kanyang suhestyon ay gawin itong ₱125.
Ayon kay Salceda, maaaring ipatupad na agad ng DA at DTI ang adjusted rate sa pamamagitan ng Administrative Order upang agad ding maramdaman ng mga lolo at lola ang benepisyo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes