Nilinaw ni House Economic Affairs Committee Vice Chair at Nueva Ecija Representative Mikka Suansing, na hindi ibig sabihin ay 100 percent na pahihintulutan ang mga dayuhan na mag may-ari ng kumpanya sa Pilipinas sa ilalim ng isinusulong na economic charter amendment
Sa pulong balitaan, pinawi ni Suansing ang pangamba ng ilan na sa oras na luwagan ang restrictive economic provision ng ating Saligang Batas, ay madedehado ang mga Pilipino sa pagbaha ng mga banyagang negosyante.
Paliwanag ng mambabatas, ito ang kagandahan ng isinusulong na economic charter change kung saan aalisin ang restriction sa Konstitusyon sa pamamagitan ng paglalagay ng mga katagang ‘unless otherwise provided by law.’
Sa paraang ito, maaaring baguhin ang restrictions sa pamamagitan ng lehislasyon kapag dumating ang panahon na kailangain na ito.
Kaya ang hatian sa foreign ownership restriction ay maaaring baguhin sa loob ng tatlo o ilang taon depende sa pangangailangan.
Punto naman ni Deputy Majority Leader Ramon Nolasco Jr., kaya mahalga na mapag-usapan at mapagdebatehan ang usapin ng charter amendment upang makahanap ng pinaka-akmang hatian. | ulat ni Kathleen Forbes