Ikinalugod ng Department of Migrant Workers (DMW) ang naging desisyon ng Appeal Court ng Kuwait na pagtibayin ang hatol na guilty laban sa pumaslang sa overseas Filipino worker na si Jullebee Ranara.
Sa isang pahayag, sinabi ni DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac na pinagtibay ng Appeal Court ang hatol na guilty at pagkakakulong ng 16 na taon laban sa 17 taong gulang na anak na lalaki ng Kuwaiti employer ni Ranara.
Isang taon na pagkakakulong dahil sa kaso ng pagmamaneho ng walang lisensya at 15 taon na pagkakakulong dahil sa kasong pagpaslang.
Ayon kay Cacdac, ipinagbigay-alam na rin ng DMW sa pamilya ni Ranara ang naging desisyon ng Appeal Court at tiniyak sa pamilya ang patuloy na suporta at tulong alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Binigyang direktiba na rin ng DMW ang Migrant Workers Office nito sa Kuwait na maghain din ng kaso laban sa ama ng pumaslang kay Ranara.
Matatandaang si Ranara, 35 taong gulang, ay napatay noong January 2023 kung saan natagpuan ang sunog na bangkay nito sa isang disyerto sa Kuwait. | ulat ni Diane Lear