Iginagalang ng Philippine National Police (PNP) ang hatol ng Navotas Regional Trial Court laban sa limang pulis na sangkot sa pagpatay kay Jemboy Baltazar.
Si Jemboy ang 17-taong gulang na binatilyo na napatay ng mga pulis matapos mapagkamalang kriminal noong Agosto ng nakalipas na taon.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo, patunay lamang ito na gumagana ang sistema ng katarungan sa Pilipinas na walang kinikilingan maging ito man ay ordinaryong indibidwal o may kapangyarihan.
Magugunitang agad na tinanggal sa serbisyo ang limang sangkot na pulis matapos ang isang buwan buhat nang mangyari ang krimen.
Kasabay nito, muling ipinaabot ni Fajardo ang pakikiramay ng PNP sa pamilya ni Jemboy. | ulat ni Jaymark Dagala