Aabot sa ₱6.8 million halaga ng pinaghihinalaang shabu ang nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Quezon City Memorial Circle kagabi.
Kasabay nito ang pagkaaresto ng limang babae na pawang mga taga-Pulilan at Dinalupihan, Bataan.
Mag aalas-8:00 kagabi nang isagawa ng pinagsanib na pwersa ng PDEA, National Capital Region Police Office-Regional Drug Enforcement Unit (NCRPO–RDEU) at Quezon City Police District (QCPD) Station 10 ang buy-bust operation laban sa mga drug personality.
Nahuli sa operasyon sina, Rohaida Mariga alyas Ate Beking (29yo), Edilyn Ico (26yo), Farjana Dumarang (24yo), Roxanne Cunanan (24yo) at Noraisa Mariga (24yo).
Nakuha sa kanilang pag-iingat ang humigit kumulang 1,000 gramo ng shabu, iba’t ibang identification cards, cellular phones, Passbook, buy-bust money at isang kulay silver na Toyota Avanza.
Nasa kustodiya na ng PDEA ang mga ito at sumasailalim sa imbestigasyon para sa pagsasampa ng kaukulang kaso. | ulat ni Rey Ferrer