Aabot sa 1,182 benepisyaryo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa lalawigan ng Aklan ang nagsipagtapos na sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Isinagawa ang pagkilala sa mga ito sa ANI 2024 Simultaneous Graduation Ceremony na inorganisa ng DSWD Field Office-6 (Western Visayas) mula February 16, 20, 22, at 27.
Layon ng graduation ceremony na kilalanin at pahalagahan ang pagsusumikap ng mga benepisyaryo ng 4Ps sa pagkamit ng self-sufficiency na antas kung saan sila ay maituturing ng non-poor. Kasama narin dito ang mga sambahayan na kasalukuyang wala nang minomonitor na eligible children.
Binati naman ni DSWD Assistant Secretary for Strategic Communications Romel Lopez ang mga pamilya sa kanilang tagumpay na mabago ang kanilang antas ng pamumuhay.
“We would like to congratulate all our 4Ps graduates from the province of Aklan for their commitment to improve the lives of their family members and ensure that their children will have a good future,” ani Asst. Sec. Lopez.
Kasunod nito, tiniyak rin ni Asec. Lopez na ang kanilang pag-graduate sa programa ay hindi nangangahulugang pababayaan na sila ng gobyerno dahil patuloy pa rin silang tutulungan ng DSWD at ieendorso sa mga LGU para sa aftercare program nang masigurong hindi sila babalik sa kahirapan.
Ayon sa DSWD, nasa 1.2 milyong 4Ps beneficiaries ang nakaiskedyul nang mag-exit sa programa ngayong taon sa pamamagitan ng 4Ps Kilos-Unlad (KU) Framework.
Sa kasalukuyan, nasa higit 4.4 milyong benepisyaryo ang nakikinabang sa 4Ps sa buong bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa