Patuloy na nakatutok ang Department of Agriculture (DA) sa lagay ng mga magsasaka sa Davao at Caraga Region na tinamaan ng magkakasunod na pagtama ng shearline, northeast monsoon, at trough ng low-pressure area (LPA).
Ayon sa DA, umabot sa higit ₱16-na milyong halaga ng binhi at concessional loans ang naipaabot na ng pamahalaan sa 16,521 na mga magsasaka sa dalawang rehiyon.
Nasa ₱3.2-million ang ipinamahagi sa Agusan del Sur, Agusan del Norte, Dinagat Island, Surigao del Norte, at Surigao del Sur sa Caraga Region habang ₱13.4-million ang napunta sa Davao.
Bukod pa rito ang inialok sa mga magsasaka na zero interest loans mula sa Survival and Recovery Loan Program at assistance sa ilalim ng Quick Response Fund para sa early recovery at rehabilitasyon ng mga apektadong sakahan.
Matatandaang kamakailan lang nang pangunahan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pamamahagi ng farm inputs at iba pang assistance sa mga apektadong magsasaka sa Caraga.
Sa pinakahuling tala ng DA, sumampa na sa higit ₱350-million ang naitalang pinsala sa agrikultura sa Davao at Caraga dahil sa mga sunod-sunod na sama ng panahon.
“We are hopeful that the interventions and assistance we have and will extend to our farmers here in Caraga and in the Davao provinces will mitigate the adverse impact of these weather disturbances on their lives and livelihoods and help in their quick recovery,” ani Secretary Laurel. | ulat ni Merry Ann Bastasa