Nasa 66 units ng 60- footer na bangka ang ipamamahagi ng pamahalaan sa mga mangingisda sa buong bansa ngayong taon.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni BFAR Spokesperson Nazario Briguera na 10 sa mga ito ay ilalaan para sa mga mangingisda sa West Philippine Sea (WPS).
Aniya, bahagi pa rin ito ng kanilang LAYAG-WPS program, o ang Livelihood Activities to Enhanced Yields and Economic Gains from the WPS, na layong paabutan ng suporta ang mga Pilipinong mangingisda.
Sa mga asosasyon o kooperatiba aniya ibababa ang mga bangka na ito na maaaring i-operate ng nasa 30 miyembro.
Inaasahan na sa tulong ng mga mas malalaking bangka na ito, mas malayo ang malalayag ng mga mangingisda at mas marami ang kanilang mga isda na mahuhuli.
“Bahagi pa rin po diyan, siyempre ay iyong mga post-harvest support na ibibigay natin sa mga mangingisda doon sa mga lalawigan na nakaharap sa West Philippine Sea. So tuluy-tuloy po ang BFAR ‘no, of course, ito ay sa gabay ng ating Pangulo, Pangulong Bongbong Marcos Jr.,” -Spox Briguera. | ulat ni Racquel Bayan