Tahasang pinasinungalingan ni House Committee on Appropriations Chair Elizaldy Co ang paratang na ginagamit ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program o AKAP para sa pangangalap ng pirma sa People’s Initiative.
Ayon kay Co, dinudungisan lamang ng mga alegasyong ito ang malinis na intensyon ng programa na tulungan ang mga Pilipino na bagamat may trabaho ay kapos naman ang kinikita.
Matatandaan na sa 2024 National Budget, isa ang AKAP sa mga bagong programang pinondohan para matulungan ang mga “near poor” sa pamamagitan ng pagbibigay ng one-time cash assistance na nagkakahalaga ng P5,000.
Kabuuang P50-billion ang alokasyon nito sa pambansang budget ngayong taon.
Ayon pa sa Ako Bicol Party-list solon, bahala na ang taumbayan na humusga sa umano’y pamumulitika sa isang programa na layong tulungan ang mga mahihirap.
Pagtiyak pa nito sa mga Pilipino na ang AKAP funds ay naipapamahagi nang naaayon sa probisyon ng 2024 General Appropriations Act. | ulat ni Kathleen Jean Forbes