Tiniyak ni House Committee on Labor and Employment Chair Fidel Nograles, na ikokonsidera ng komite ang posisyon ng lahat ng stakeholders sa panukalang taas sweldo.
Ayon sa mambabatas sisimulan nila ang pagtalakay sa tatlong panukala sa Miyerkules, February 28.
Kabilang dito ang P150 recovery wage na panukalang batas ni Deputy Speaker Democrito Mendoza at P150 across the board wage increase bill ni Cavite Rep. Jolo Revilla pati na ang P750 across the board wage increase ng MAKABAYAN bloc.
Tatalakayin din ang pagbuo ng “national minimum wage rate,” kung saan babaguhin ang proseso o pagbalangkas ng minimum wage para sa mga manggagawa.
Nilinaw naman ni Nograles na hindi sila na-pressure sa panawagan ng Senado na ipasa na ng Kamara ang bersyon nila ng panukala.
Noong nakaraang linggo nang pagtibayin ng Senado ang kanilang sariling P100 legislated wage increase bill.
Alinsunod naman ani Nograles sa direktiba ni House Speaker Martin Romualdez ay hindi nila mamadaliin ang mga pagdinig.
Dagdag pa ng mambabatas na hindi lamang ang mga manggagawa ang pakikinggan nila kundi ang lahat ng hanay, kasama ang panig ng investors at mga negosyante.| ulat ni Kathleen Forbes