Nakatakdang maglabas ng subpoena ang House Committee on Legislative Franchises para kay Kingdom of Jesus Christ Exectuive Pastor Apollo Quiboloy.
Sa pagdinig ng komite sa panukalang revocation ng prangkisa ng Swara Sug Media Corporation na nag-operate sa ilalim ng business name na Sonshine Media Network International (SMNI), hiniling ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na sana ay maimbitahan si Pastor Quiboloy upang masagot ang ilan sa kaniyang mga katanungan.
Diin niya ang mga pinuno ng ahensya ng pamahalaan mismo ay humaharap sa Kongreso para sagutin ang mga tanong sa mga isinasagawang pagsisiyasat.
“I think it’s about time that we call for Pastor Quiboloy na pumunta dito to answer our questions, our specific questions kasi Mr. Chair — siguro last time naman nirequest na natin ito eh — heads of agencies come here sa Congress para tayo ay sagutin sa mahahalaga nating tanong. And we would like to siguro dapat ‘no, it’s about time na paupuin po natin, paharapin din po natin at matanong natin nang deretso si Pastor Quiboloy dito sa mga katanungan natin kasi hindi po ito masasagot ng attorney lang Mr. Chair,” sabi ni Brosas.
Ayon naman kay Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, vice-chair ng Komite, makailang beses nang inimbitahan ng komite si Quiboloy para dumalo sa pagdinig ngunit hindi naman humarap.
Dito na nagmosyon si Pimentel na maglabas ng subpoena para sa pastor at humarap sa Komite.
Pinaalalahanan pa nito ang legal counsel ng SMNI na si Atty. Mark Tolentino na kung hindi dadalo si Pastor Quiboloy matapos ang subpoena ay mahaharap ito sa contempt at kung hindi pa rin haharap ay ipapaaresto na nila ito.
“I’d like to move that we, this committee rather issue a subpoena to Pastor Quiboloy to compel him to be present during the next hearing. And may we remind Atty. Mark Tolentino that after the subpoena, if Pastor Quiboloy does not appear, then we’ll be constrained to request for a warrant of arrest for him to appear here, or rather to move for a contempt order pero kung di pa rin siya sisipot, ‘yon na ‘yong warrant,” giit ni Pimentel.| ulat ni Kathleen Forbes