Ilan sa mga kababayan natin ang nakiisa sa selebrasyon ng Chinese New Year dito sa Banawe sa Quezon City ngayong hapon.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, marami sa ating mga kababayan ang dumagsa sa kahabaan ng Banawe Street corner Catalina Street kung saan nakapwesto ang food bazaar tampok ang mga pagkaing Tsino.
Dito rin nakapwesto ang stage para sa isinasagawang libreng concert.
Kabilang sa aktibidad ng QC LGU ngayong araw ang kauna-unahang QC Chinatown Heritage Tour kung saan mag-iikot sa ilang chinese cultural sites sa lungsod gaya ng chinese temples at ‘culinary gems’ ng QC Chinatown district.
Matatandaang naglatag ng tatlong araw na mga aktibidad ang QC LGU bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Chinese New Year simula ‘yan ngayong araw.
Sa ngayon, maayos ang sitwasyon dito at kapansin-kapansin ang mga tauhan ng Quezon City Police District katuwang ang Task Force Disiplina at Department of Public Order and Safety na nakabantay para pagpapatupad ng seguridad at kaayusan sa lugar. | ulat ni Diane Lear