Isinara na ng Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong ang ilang pangunahing lansangan sa lungsod ngayong araw.
Ito’y para bigyang daan ang pagdiriwang ng ika-79 Liberation Day gayundin ang ika-30 Anibersaryo ng Cityhood ng lungsod.
Partikular sa mga isinarang kalsada ay ang Nueve de Pebrero kung saan isasagawa ang isang konsyerto mamayang gabi gayundin ang Kalentong kung saan naman isasagawa ang programa ngayong umaga.
Maliban dito, may isasagawa ring float parade ngayong araw kaya’t asahan na ang pagbigat ng daloy ng trapiko sa iba pang mga lansangan.
Kabilang na rito ang bahagi ng Kalentong, Shaw Boulevard, Bonifacio, A. Luna, Aglipay, Boni, P. Cruz, Martinez, Maysilo, Pantaleon, Barangka Drive, Nueve De Pebrero, at New Fabella Road.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga motorista na iwasan ang mga nabanggit na lansangan at tahakin muna ang mga alternatibong ruta na makikita sa kanilang social media pages. | ulat ni Jaymark Dagala