Umaasa ang ilang karinderia owner sa Murphy Market sa Quezon City na maramdaman ang tuloy-tuloy nang pagbaba ng presyo ng bigas sa merkado.
Ilan sa mga may eatery na nakapanayam ng RP1 team, naglalaro sa ₱60-₱62 ang kada kilo ng binibiling bigas.
Paliwanag ni Aling Neneng, hindi sila nagtitipid sa puhunan sa bigas dahil mahalaga aniya para sa kanilang customer ang magandang kalidad ng kanin.
Kahit kasi aniya kakaunti lang ang ulam, mas ganado ang mga customer na kumain kung masarap ang kanin.
Dahil dito, hindi rin nagtataas ng presyo ng kanin si Aling Neneng, dahil kahit papano, bumaba naman daw ang puhunan ang iba niyang rekado gaya ng gulay, isda, at itlog.
Dito sa Murphy Market, bumaba na sa ₱1-₱2 ang kada kilo ng special at premium rice.
Ayon sa ilang nagtitinda ng bigas, posibleng magtuloy-tuloy pa ang pagbaba ng presyo nito lalo’t bumababa na ang kuha nila sa mga supplier. | ulat ni Merry Ann Bastasa