Sinuportahan ng administration lawmakers ang pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na kailangan munang araling mabuti ang posibilidad ng pagsasabay ng plebisito para sa economic charter change sa 2025 midterm elections.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Davao Oriental Rep. Cheeno Almario na tama lang ang Pangulo sa pagsabi na kailangan na aralin mabuti ang hakbang na ito na posibleng magkaroon din ng constitutional implications.
“On a practicality sense, maganda naman kung pwede nating maipagsabay. But considering that this involves the Constitution, we will look into what are the possibilities that we can explore. For now we cannot say with confidence yet as we need to look into all the avenues, all the possibilities, and what the law provides that we can do or cannot do,” sabi ni Almario.
Sa panig naman ni ANAKALUSUGAN party-list Rep. Ray Reyes, kailangan din ikonsidera ang una nang binanggit ng COMELEC na kakailanganing gumastos ng P13 billion para sa pagsasagawa ng hiwalay na plebisito.
Dapat din aniyang malaman kung may mga kasong na naisabay na ang plebisito sa halalan.
“Meron na bang bagong ruling na nagsasabing hindi na pwedeng ipagsabay ang plebisito sa election? And then from there we can make an informed decision para po naman mas maging confident ang public that we have exhausted all legal and practical avenues para po magawa ang plebisito at midterm elections,” ani Reyes.
Ito rin ang punto ni South Cotabato Rep. Peter Miguel.
Posible kasi aniya magkaroon ng legal obstacle kung isasabay ang plebisito sa eleksyon.
Gayunman, sabi ng mambabatas, ano ba naman ang P13 billion na gastos kung kapalit naman nito ay pagpasok ng foreign investments.
“What is P13 billion if we are going to see an influx of foreign investment to the tune of billions of dollars? Maliit po ‘yong gagastusin for the sake of a monumental development… Iyon po ang take ko. Kung hindi pu-pwedeng sabay, so be it. Gawin natin ng hiwalay,” sabi ni Miguel.
Sa panayam kay PBBM bago ang kaniyang paglipad sa Australia sinabi ng Punong Ehekutibo na kailangan pa aralin kung kakayanin bang isabay ang cha-cha plebiscite sa midterm elections.
“Dahil ‘pag ihihiwalay natin yung eleksyon at saka yung plebiscite, parang dalawang eleksyon ‘yun. Napakamahal. So baka maaari kung isabay natin ‘yung plebisito sa local elections na gagawin sa Mayo next year. Malaking bagay ‘yun, malaking savings para sa atin kaya ayun, pinag-aaralan naming mabuti” sabi ni Pangulong Marcos.| ulat ni Kathleen Forbes