Hati ang opinyon ng ilang mambabatas kaugnay sa Divorce Bill.
Kasunod na rin ito ng pagsisimula ng pagtalakay sa plenaryo ng Kamara ng House Bill 9349 o ang “Absolute Divorce Act.”
Ayon kay Lanao del Norte 1st District Representative Mohammad Khalid Dimaporo, suportado ng mga Muslim legislator ang panukala, lalo at kanilang relihiyon ay tanggap ito.
Ngunit batid din ng mambabatas, na uusad lamang ang panukala kung makakakuha ng overwhelming support mula sa mga House member ng 19th Congress.
Aminado naman si La Union 1st District Representative Francisco Paolo Ortega na hindi pabor sa panukala.
Ang mas nais aniya niyang isulong ay pasimplehin ang mga probisyon para sa annulment.
Katunayan, mayroon aniya silang isinasagawang konsultasyon kasama ang grupo ng mga kababaihan sa kung paano at ano ang mga dapat baguhin sa annulment process. | ulat ni Kathleen Forbes