Dapat ipaubaya na lang sa national agencies, tulad ng DOLE at DSWD ang pamimigay ng ayuda sa ilalim ng kani-kanilang mga ahensya.
Ito ang pahayag ni Ejercito sa gitna ng tila nauuso ngayon na pagsama ng mga pulitiko sa pamamahagi ng mga ayuda, gaya ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng DSWD at ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng DOLE.
Para sa senador, mas ethical at ideal sanang wala nang mga pulitiko sa pamamahagi ng mga ayuda para maiwasan ang tinatawag na “patronage politics”.
“Ang hirap kasi kapag na-involve yung mga pulitiko, political leaders, nagiging political, it is being used for patronage politics.” — Sen. JV Ejercito.
Aminado naman ang senador na kahit naman siya ay guilty dito dahil may mga pagkakataon na naiimbitahan sila ng mga lokal na pamahalaan at sinasabay na lang ang pamamahagi ng ayuda sa kanilang pagbisita.
Pero para naman kay Senadora Imee Marcos, wala namang masama sa pagsama ng ilang pulitiko sa pamamahagi ng ayuda.
Ipinaliwanag rin ni Marcos na bilang vice chair ng Senate Committee on Finance na siyang nagdedepensa sa budget ng DSWD ay nais niya ring makita mismo kung naipapatupad ang mga programa at napupunta talaga sa mga benepisyaryo ang ayuda.
Ang mahalaga lang aniya ay ang hindi mapakialaman ang mga listahan ng mga benepisyaryo ng mga programa.
“Palagay ko hindi naman masama. Kasi unang-una yung mga barangay kapitan, yung mga mayor, talaga naman aasahan at aasahan yung mga lokal kasi kilala nila yung mga tao. Halimbawa ako kasi, ako kaso yung vice chair sa DSWD budget. Nakukumbida ako sa mga OSCA. Tsaka importante sa akin, kailangan marinig ko sila, may awas ba yang nakuha nila? Imposible na di ako pumunta. Kailangan ko pumunta, kailangan ko marinig kung naii-mplement ba properly? Ang pangit lang talaga ‘pag pinakialaman ang listahan. Ibang usapan na yun.” — Sen. Imee Marcos. | ulat ni Nimfa Asuncion