Hinimok ni House Deputy Majority Leader Janette Garin ang Department of Tourism (DOT) at iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno na magpatupad ng mga inisyatibang magpapalakas ng industriya ng turismo.
Ginawa ni Garin ang panawagan matapos magkaroon ng mutual agreement ang China sa pagitan ng Thailand, Singapore at Malaysia na i-waive ang kanilang visa requirements.
Diin ni Garin, Kailangang mas paigtingin pa ng DOT at iba pang ahensya ang ating turismo lalo na’t marami sa kalapit nating bansa ay nag-alis na ng visa requirement para sa mga Chinese national.
Aniya, maliban sa mga pambatong tourist spot at “one of a kind” hospitality, kailangan itong sabayan ng mas pinahusay na facilitation at bureaucracy.
Diin ng mambabatas may multiplier effect ang tourismo dahil kapag lumago ang ekonomiya, tataas ang employment rate, tataas din ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes