Hinikayat ni Commission on Higher Education (CHED) Secretary Popoy De Vera ang international education leaders na umaksyon at tugunan ang mga global issues na naglilimita sa access ng marginalized groups sa quality higher education.
Inihayag ito ng CHED Chair sa kanyang pagdalo sa ika-9 na annual EURASIA Higher Education (EURIE) Summit sa Istanbul, Turkey.
Ayon kay De Vera, dapat na hindi kaligtaan ang mga kabataang hirap na maka-access sa higher education institutions dahil naiipit sa giyera, pati na sa global at regional disparities.
Kasama rin sa tinalakay nito ang itinutulak ng Pilipinas na internationalization ng higher education institutions sa bansa.
Ayon kay De Vera, bukas ang Pilipinas sa anumang oportunidad na maiaalok ng EURASIA Higher Education para mas mapaunlad pa ang kalidad ng edukasyon sa bansa at dumami ang globally competitive graduates.
Nasa 2,000 higher education professionals sa buong Eurasia Region ang nagtipon-tipon sa naturang summit para talakayin ang mga hamon at bagong trends sa higher education.
Kasama rin nito sa summit ang mga presidente ng Mariano Marcos State University, Mindanao State University – Naawan, Iloilo Science and Technological University, at Caraga State University.
“CHED and PHEIs’ presence here today in the 2024 EURIE Summit is the manifestation of our deep interest in further strengthening our close bilateral relationship with Turkey in promoting the internationalization of higher education institutions, and our commitment to link with other universities in the rest of the world,” pahayag ni De Vera. | ulat ni Merry Ann Bastasa