Paliit na nang paliit ang mundong ginagalawan ni dating Negros Oriental Representative Arnie Teves.
Ito ay dahil bukod sa arrest order dito sa Pilipinas ay nag-isyu na rin ang International Crime Police Organization o Interpol ng red notice laban sa dating mambabatas.
Ang red notice ay katulad na raw ng International Warrant of Arrest ayon kay Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla, kung saan ang lahat ng miyembrong bansa nito ay padadalhan ng impormasyon na si Teves ay dapat arestuhin dahil sa mga kaso nito sa Pilipinas.
Nagkaroon na rin daw ng pag-usap ang DOJ kasama ang NBI para sa paraan nang pagdakip kay Teves sa ibang bansa.
Ayon sa kalihim, sa bahagi ng DOJ ang NBI ang kanilang ipadadala para sa pagsisilbi ng warrant of arrest.
Sigurado din daw ang kalihim, na hindi mabibigyan ng political asylum si Teves base sa naging pag-uusap niya sa mga opisyal ng bansang Timor Leste kung saan naroon ngayon ang dating mambabatas.
Samantala, inanunsyo naman ng DOJ na opisyal nang kinansela ng Department of Foreign Affairs ang pasaporte ni Teves. | ulat ni Michael Rogas