Tuloy-tuloy ang pakikipag-ugnayan ng Department of Agriculture (DA) sa iba’t ibang sektor para mas mapalawak pa ang Kadiwa centers sa bawat lungsod at munisipalidad ng Metro Manila gayundin sa bawat probinsiya ng bansa.
Ito ay sa ilalim ng hangaring enhanced Kadiwa BBM – Bigger, Better, More na alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na walang Pilipinong magugutom.
Kahapon, nakipagpulong sina Consumer Affairs Assistant Secretary Genevieve Velicaria-Guevarra at AMAS Director Junibert De Sagun sa ilang opisyal ng isang kooperatiba sa Marikina City para sa isang potential venue ng Kadiwa Center.
Ayon sa DA, positibo ang naging pagpupulong at malaki ang potensiyal ng pasilidad na dayuhin at tatangkilikin ng mga mamimili mula sa mga karatig-lungsod tulad ng Quezon City, Antipolo, at San Mateo.
Kinakailangan na lamang na magsumite ng written proposal ang mga kooperatiba para maisapormal na at maisulong pa ang kanilang pag-uusap.
Ang Kadiwa Center ay inaasahang magbibigay hindi lamang ng serbisyong pang-agrikultura, kundi pati na rin ng mga oportunidad sa komersyo at pagpapaunlad ng lokal na ekonomiya. | ulat ni Merry Ann Bastasa