Hindi tutol ang Kamara sa panukalang P100 wage hike na ipinapanukala ng Senado, ngunit babalansehin ito sa kakayanan ng mga maliliit na negosyo.
Ito ang tinuran ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin kasunod ng panawagan ng Senado na sana’y ipasa rin ng Kamara ang itinutulak na legislated wage hike.
Para kay Garin, kapuri-puri ang intensyon ng Senado, gayunman, mababa pa rin ang naturang halaga dahil sa mahal na presyo ng bilihin.
Nilinaw naman nito na hindi tutol ang Kamara sa panukala na kasalukuyang pinagdedebateham sa kapulungan.
Isa kasi sa isinasaalang-alang nila ay kung kakayanin ito ng mga pribadong kumpanya, lalo na ng mga micro, small and medium enterprises o MSMEs na siyang bumubuo ng 90% ng lahat ng negosyo sa bansa.
“Mas mabuti sana kung dapat mas mataas ‘yun kagaya nga ng masinsinang inaaral ng Kongreso. Subalit andun din kase yung balance. Kaya nga Congress was actually looking into the possibility of a P350 wage hike. At matagal na po yan nakabinbin at sa katotohanan lang talagang ‘yung liderato ng Kongreso ay medyo pinu-push sana ito. Pero andun kase ‘yung balance. Magandang gumawa ng batas pero mahirap magpaasa kung walang pag-asa. Kasi pag tinaas natin ‘yung sweldo, dapat ‘yung kaya ng ating mga negosyante, sa Pilipinas, 98 to 99 percent of the business sector are MSMEs,” sabi ni Garin.
Paalala ni Garin na hindi lang sa Pilipinas, ngunit maging sa ibang panig ng mundo, ay nabawasan ng 30 to 40 percent ang gross income ng mga negosyo dahil na rin sa epekto ng nagdaang COVID pandemic.
“Marami ang hindi nagsasabi nito pero ano ba ‘yung katotohanan post-pandemic? Globally, sa buong mundo, hindi lamang po yan sa Pilipinas, 30 to 40 percent ng income, gross income ng bawat negosyante ay nabawasan. Maganda ang intensiyon nito pero yung implementation is one big question. Ang takot natin, baka yung sampung empleyado ay maging pito na lang. ‘Yun yong medyo dapat nating ibalanse,” wika pa niya. | ulat ni Kathleen Forbes