Bilang tugon sa direktiba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa dagdag na transportasyon ng mga Pilipino, tututukan ngayon ng Kamara ang pagtalakay sa panukala na layong gawing ligal ang motorcycle taxis bilang alternatibong transportasyon.
Ayon kay Speaker Martin Romualdez, pagtutuunan ngayon ng pansin ng Kamara ang pagtalakay sa House Bill 3412 na inihain nina 1-Rider Party-list Representative Rodge Gutierrez at Bonifacio Bosita na layong ayusin ang kasalukuyang regulasyon sa Transportation Network Vehicle Service (TNVS) upang makapag-operate na ang mga motorcycle taxi.
Kamakailan ay nakipagpulong si PBBM sa Grab Holding Incorporated kung saan binigyang-diin nito ang kahalagahan ng dagdag at accessible na transportasyon.
“The legalization of motorcycle taxis and the relaxation of TNVS regulations align with our goals to provide more choices for passengers, drivers, and businesses, particularly MSMEs. This approach not only addresses the demand for more accessible public transport but also contributes to the economic recovery and employment opportunities in the country,” pahayag ni Speaker Romualdez.
Pangunahing layunin ng panukala ay alisin ang mga legal barrier para pahintulutan ang mga motorsiklo na magamit bilang transportasyon.
Mula noong 2019 ay nakakapag-operate ang motorcycle taxis sa Metro Manila at Cebu salig sa pilot study.
Punto pa ng House leader na ang pagdinig sa naturang panukala ay pagkilala rin sa malaking ambag sa ekonomiya at paglikha ng trabaho ng motorcycle taxis.
“Marami na pong kababayan natin ang nabigyan ng trabaho at kabuhayan mula sa industriya ng motorcycle taxis. Panahon na pong kilalanin sila bilang responsableng bahagi ng lipunang Pilipino at mabigyan ng sapat na regulasyon para mapangalagaan ang interes ng mamamayan,” paliwanag ni Romualdez. | ulat ni Kathleen Jean Forbes