Siniguro ni House Speaker Martin Romualdez sa mga militar na seryoso ang Kamara na tiyaking matatag, moderno, handa at naaalagaan ang kasundaluhan na siyang depensa ng bansa sa internal at external threats.
Ginawa ng lider ng Kamara ang pahayag sa Mindanao leg ng Armed Forces of the Philippines-House of Representatives fellowship.
Kabilang sa mga dumalo ang ilang mga mambabatas at AFP Officers sa pangugnuna ni Chief of Staff Romeo Brawner na ginawa sa 4th Infantry Division Headquarters sa Cagayan de Oro City.
Ayon sa Speaker, salig sa hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. titiyakin ng kapulungan na may well-equipped at modernong militar ang Pilipinas.
Katunayan tumaas aniya ang pondo ng defense sector sa P285 billion kung saan nakapaloob ang P1.23 billion na realigned budget para sa frontliners na nagbabantay sa West Philippine Sea.
Nagkaroon din ng reallocation ng pondo para sa National Intelligence Coordinating Agency (P300 million), National Security Council (P100 million) at Department of Transportation (P381.3 million) partikular sa pagpapalawak ng paliparan sa Pag-asa Island sa West Philippine Sea.
“Our dedication extends beyond financial support. Recognizing the importance of high morale, we passed House Bill 8969, creating a sustainable fiscal framework for military pensions. This, along with various initiatives such as House Bills 6517, 11, 7764, and 6375, demonstrates our commitment to enhancing our military’s capabilities and welfare,” aniya.
Sa pamamagitan din ng mga panukalang pinagtibay ng Kamara ay masisiguro ang isang matatag na defense posture ng bansa gayundin ang pagpapalakas ng land, air, at naval forces kasama ang ating peacekeeping missions.
Sabi pa ng House leader, na ang kalakasan ng ating depensa ay hindi lang sa modernong kagamitan ngunit sa kagitingan ng mga sundalo.
Kaya para mapagbuti rin ang kanilang kapakanan at ng kanilang pamilya ay pinagtibay ng Kamara ang MUP (Military and Uniformed Personnel) Pension, pagtataas sa base pay ng sundalo, pagpapalawig ng kanilang healthcare benefits, at mga housing at educational program.
Pinasalamatan at kinilala naman ni Romualdez ang propesyunalismo at dedikasyon ng kasundaluhan sa kanilang sinumpaang tungkulin.
“The steadfastness of our uniformed personnel, in protecting our territorial integrity and remaining non-partisan amidst political noise, is truly commendable. Your unwavering duty as sentinels of our sovereignty in the West Philippine Sea and beyond is a stabilizing force for our nation,” sabi pa niya | ulat ni Kathleen Forbes