Bagamat suportado ang pagbibigay ng umento sa sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor ay maghihinay-hinay ang Kamara sa pagtalakay ng panukalang legislated wage hike.
Kasunod na rin ito ng panawagan ng Senado sa Kamara na ipasa na ang bersyon nila ng Wage Hike bill.
Paliwanag ni PBA Party-list Rep. Migs Nograles, anumang wage increase proposal ay tiyak na papasanin ng employer.
Punto nito, na dito sa Pilipinas higit 90% ng mga negosyo ay micro small and medium enterprises (MSMEs) na posibleng hindi kayanin ang taas sahod.
Kaya nga maganda ani Nograles na matalakay na sana ang economic charter amendment, para kapag naipasa ito ay papasok ang investment at mas makakayanan ng mga negosyo ang dagdag na sweldo, at makakalikha pa ng mas maraming trabaho.
Sabi naman ni 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez, suportado nila ang panukalang wage increase ngunit kailangan itong pag-aralag mabuti.
Katunayan, sa bersyon nga ng Kamara, P350 pa ang kanilang ipinapanukala.
Maaari kasi aniya na imbes na makatulong sa mga manggagawa ay mas makasama pa ito sa mga negosyo.
Hirit naman Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, bagamat hindi tutol sa panukalang P100 legislated wage hike ay pagbigyan sana aniya ang AKAP program.
Batid ng mambabatas na ang umento sa sahod ay para makatulong sa mga manggagawa mula sa epekto ng inflation, at ganito din naman aniya ang hangarin ng AKAP program.
Sabi pa ni Adiong, ang AKAP ay magsisilbing catch up program upang masigurong ang mga near poor o mga nasa taas ng poverty line ay hindi na bumaba, at maghirap pa. | ulat ni Kathleen Forbes