Naglabas na rin ang House of Representatives ng subpoena kay Kingdom of Jesus Christ executive Pastor Apollo Quiboloy.
Sa kopya ng subpoena na inilabas ng Office of the Speaker, pinadadalo si Quiboloy sa susunod na pagdinig ng House Committee on Legislative Franchises sa darating na Marso 12, ala-una ng hapon.
Patungkol ito sa imbestigasyon sa umano’y paglabag ng SMNI sa probisyon ng legislative franchise nito.
Matatandaan na sa nakaraang padinig ng komite ay nagmosyon si Surigao del Sur Johnny Pimentel para ipa-subpoena ang pastor dahil makailang ulit na itong hindi sumisipot sa pagdinig kahit inimbitahan.
Ani Pimentel kung hindi pa rin dumalo si Quiboloy sa kabila ng subpoena ay mapipilitan silang ipa-contempt ito, at kung hindi pa rin sumipot ay magpapalabas na sila aniya ng arrest warrant.
Kaninang umaga ay nagpalabas din ng subpoena ang Senado para kay Quiboloy para naman sa hiwalay nitong imbestigasyon hinggil sa large-scale human trafficking at pang-aabuso sa organisasyon nito.| ulat ni Kathleen Forbes