Siniguro ni Speaker Martin Romualdez sa mga lider ng lokal na pamahalaan na tatalima ang Kamara sa direktiba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na suportahan ang local government units sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas malaking budget share.
Ginawa ng House leader ang pahayag sa kaniyang pagdalo sa general assembly ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) ngayong araw.
Ani Romualdez, tatalima sila sa atas ng Pangulo na gawin ang lahat ng nararapat at kailangan para makinabang ang kanilang mga komunidad sa pag-unlad ng buong bansa.
Isa na nga aniya rito ang paglalaan ng mas malaking pondo sa mga LGU bilang pagtalima sa Mandanas Ruling na nagtataas sa bahagi ng national taxes na makukuha ng LGUs upang makapagpatupad ng mga development projects at pagkamit ng Sustainable Development Goals o SDG.
“This ruling signifies a transformative shift, aimed at enhancing the fiscal autonomy of LGUs, thereby empowering you to better address local developmental needs. The 2024 budget reflects this change, ensuring a larger portion of the national tax allotment (NTA) is directed to local governments,” sabi ni Speaker Romualdez.
Gayonman, batid ng House leader na kulang pa rin ang pondong makukuha ng mga LGU sa ilalim ng Mandanas ruling kaya’t patuloy aniyang makikipagtulungan ang Kongreso sa ehekutibo upang makahanap ng paraan na madagdagan ang pondo ng mga lokal na pamahalaan.
Katunayan, mayroon aniyang mga panukalang batas na tinatalakay ngayon sa Kamara para maitaas ang national tax allotment ng mga LGU.
“Ramdam po ng national government ang pangangailangan ninyo. Alam namin na kailangan ninyo ang lahat ng tulong mula sa national government para mai-angat ang kabuhayan ng ating mamamayan,” sabi pa niya.
Pinawi rin ng House Speaker ang pangamba ng mga lokal na pamahalaan na posibleng hindi nila kayanin ang pagpapatakbo ng kanilang health services dahil sa Mandanas Law.
“Alam ko pong nangangamba kayo sa epekto ng Mandanas ruling sa isyu ng devolution of health services. Ang takot ninyo: binigyan nga kayo ng dagdag na pondo, pero kaakibat nito ang mas malaki ring responsibilidad. Baka sa dulo, lugi pa kayo kahit may dagdag na pondo. Pero wala po kayong dapat ikatakot. Laging handa ang national government na alalayan kayo. We will be with you every step of the way,” sabi ng House chief.
Kasama aniya sa kanilang inaaral ay ang integration ng local health systems sa isang komprehensibong province-wide at city-wide na sistema para mapalakas pa ang healthcare infrastructure.
“This approach aims to enhance primary care services and improve local health system management tools, leading to better health outcomes and more sustainable healthcare delivery at the local level,” dagdag pa niya. | ulat ni Kathleen Forbes