Inanunsiyo ni Philippine Army Chief Lieutenant General Roy Galido ang nakatakdang pagsasagawa ng kauna-unahang Army-wide Combined Arms Training Exercise (CATEX) “Katihan” sa isang pagtitipon kasama ang media sa Philippine Army Officers’ Clubhouse, Fort Bonifacio ngayong araw.
Ayon kay Lt. Gen. Galido, ang makasaysayang malawakang pagsasanay ay bilang paghahanda sa pagpalit ng pagtutok ng Philippine Army mula sa panloob na seguridad patungo sa panlabas na depensa.
Kasali aniya sa ehersisyo ang 4,000 hanggang 5,000 sundalo mula sa mga Army unit sa Visayas at Mindanao.
Sinabi ni Lt. Gen. Galido, na ang pagtatapos ng pagsasanay na kasabay ng pagdiriwang ng ika-127 Philippine Army Day sa Camp O’Donnell, Capas, Tarlac sa Marso 22, 2024 ay inaasahang dadaluhan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi naman ni Army Chief Public Affairs at Spokesman Col. Louie G. Dema-ala na ang CATEX “Katihan” ay mahalagang hakbang sa paglikha ng isang malakas na hukbong katihan. | ulat ni Leo Sarne