Sasailalim sa anim na buwang libreng pagsasanay at pag-aaral ang nasa 140 nagtitinda mula sa pampubliko at pribadong mga pamilihan sa Quezon City.
Ito ay sa ilalim ng Vendor Business School Program ng QC LGU.
Layon nitong mapataas ang kakayanan ng mga vendor sa pagnenegosyo, food safety, market technology, climate change, at pati na rin sa nutrisyon.
Pinangunahan ni QC Mayor Joy Belmonte ang paglulunsad ng naturang programa sa City Hall ngayong hapon.
Sa kaniyang mensahe, sinabi nito na bukod sa pagtuturo kung paano mapataas ang kita ng mga vendor, ituturo rin ang kahalagahan ng pagtitinda ng masustansyang mga pagkain.
Bilang insentibo sa kanilang pagkumpleto sa buong programa, magiging kwalipikado ang mga vendor sa Pangkabuhayan QC Program.
Ito ay isang small business grant na nagkakahalaga ng P10,000-P20,000 para makatulong sa kanilang negosyo. | ulat ni Diane Lear