Walang katotohanan ang malisyoso at walang-basehang alegasyon na may korapsyon sa decommissioning process ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ito ang inihayag ni Office of the Presidential Adviser for Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito Galvez Jr. kasunod ng pagdinig ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace Unification and Reconciliation, kung saan kinuwestyon ng mga senador ang umano’y mabagal na implementasyon ng decommissioning process.
Ayon kay Galvez, ang mga benepisyaryo na tumatanggap ng ₱100,000 cash assistance ay dumadaan sa masusing beripikasyon, para masigurong lehitimo ang mga ito, kaya mabagal ang proseso.
Paliwanag ni Galvez, direktang isinusumite ng MILF ang validated na listahan ng combatants at armas sa International Decommissioning Body (IDB), na bineberipika uli at iniimbentaryo ito.
Katulong aniya dito ng IDB ang Verification and Monitoring Assistance Teams (VMATs) na kinabibilangan ng mga representante ng Turkiye, Brunei, Norway, Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Policy (PNP), at MILF.
Sa ngayon aniya ay umabot na sa 26,132 MILF combatants at 4,625 armas, ang sumailalim sa proseso ng pagdekomisyon. | ulat ni Leo Sarne