Nanawagan ang ilang mambabatas sa gobyerno na kung hindi man suspindihin ay tuluyan nang ipagbawal ang large scale mining operations sa bansa.
Kasunod na rin ito ng trahedya sa Maco, Davao de Oro kung saan higit 50 ang nasawi dahil sa landslide.
Ayon kay House Assistant Minority Leader Arlene Brosas matagal nang tinututulan ng environmental advocates ang large scale at open pit mining operations dahil sa panganib na dulot nito.
Binigyang diin pa ng mambabatas na ang nangyari sa Davao de Oro ay nagpapakita na banta ito sa buhay at kalikasan at tanging mga negosyanteng mayayaman lang ang nakikinabang.
Paalala pa ng kinatawan na ngayong papalapit ang monsoon season ay dapat na itong aksyunan ng pamahalaan upang hindi na maulit pa. | ulat ni Kathleen Forbes