Patuloy na nababawasan ang lebel ng tubig sa ilang mga dam sa Luzon kabilang na ang Angat Dam dahil walang pag-ulan nitong mga nakalipas na linggo.
Sa datos ng PAGASA Hydrometeorology Division, kaninang alas-6 ng umaga ay naitala sa 206.35 meters ang lebel tubig sa Angat Dam.
Mas mababa ito ng 8 centimeters kumpara sa naitalang 206.43 meters water elevation kahapon at mas mababa na higit isang metro kumpara noong nakaraang linggo.
Sa kabila niyan, nananatiling mas mataas pa rin ito sa minimum operating level ng dam na 180 meters.
Samantala, bumaba rin sa 99.61 meters ang imbak na tubig sa Ipo Dam na mas mababa sa maintaining level na 101 meters.
Nabawasan rin ang antas ng tubig sa La Mesa, Ambuklao, San Roque, Pantabangan, Magat, at Caliraya Dam. | ulat ni Merry Ann Bastasa