Kinumpirma ng 1st Infantry “Tabak” Division ng Philippine Army na napatay ng mga tropa ng 103rd Infantry Brigade ang Amir o lider ng Dawlah Islamiyah (DI) sa dalawang araw na operasyon ng militar sa Lanao del Sur noong buwan ng Enero.
Ayon kay Major Jairus Mark Mira, hepe ng Division Public Affairs Office ng Tabak Division, isa si Khadafi Mimbesa, alyas Engineer, sa mga nasawi sa military operations sa Lanao del Sur noong Enero 25-26 nitong taon.
Ito’y batay aniya sa pahayag ng isang alyas Khatab – isang high-value individual na kasapi ng DI-Maute Group – na sumuko sa 2nd Mechanized Brigade kahapon, Pebrero 11.
Ayon kay Major Mira, ang Amir ng DI-Maute Group ay ang utak sa MSU bombing sa Marawi City noong Disyembre 3, 2023.
Pinuri naman ni Maj. Gen. Gabriel Viray III, commanding general ng Tabak Division, ang mga tropa ng 103rd Infantry Brigade, sa pamumuno ni B/Gen. Yegor Rey Barroquillo Jr., sa kanilang matagumpay na operasyon laban sa grupong responsable sa MSU bombing – na nagresulta sa neutralisasyon ng Amir ng DI-Maute Group.| ulat ni Lesty Cubol| RP1 Zamboanga Sibugay