Hiniling ni Senador Raffy Tulfo sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang record ng mga binayarang buwis ng mga nanalo sa lotto mula buwan ng July, August at September 2023.
Nais kasi ni Tulfo na ikumpara ang bilang ng mga nanalo ng lotto sa kung magkano ang binayarang buwis sa BIR.
Sinabi naman ni Atty. Ralbert John Neil Tibayan ng BIR Legal and Legislative Division na mayroon silang hawak na files na binayaran na buwis simula July hanggang September 2023.
Nakasaad aniya sa files na aabot sa 8,192 ang mga nanalo ng mahigit 10,000 pesos pataas sa mga nabanggit na buwan.
Pero nilinaw ni Tulfo na ang mga nais niyang malaman ay ang bilang ng mga nanalo ng jackpot.
Dahil dito humingi si Atty. Tibayan ng panahon para ayusin ito hanggang sa susunod na linggo.
Samantala, isinumite naman sa komite ni Atty. Lyssa Grace Pagano ng PCSO ang alpha list ng mga nanalo ng jackpot prizes mula July hanggang December 2023. | ulat ni Nimfa Asuncion