Lubos ang pasasalamat ni Siquijor Congressman Zaldy Jekoy Villa na sa kanilang lalawigan idinaos ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair na nagbukas ngayong araw hanggang bukas, Pebrero 19, 2024 sa loob ng Siquijor State College sa bayan ng Larena, kung saan panauhing pandangal si Leyte Representative at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Ayon sa mambabatas, ito ang pinakamalaking caravan of services sa buong kasaysaysan ng Siquijor kung saan umabot sa 100% ng populasyon ng island province ang nakinabang sa mga libreng programa at serbisyo mula sa pamahalaan.
Higit 50,000 katao ang benepisyaryo ng 200 programa mula sa hindi bababa sa 39 ahensya ng gobyerno na kadalasan ay dumayo pa mula sa regional offices sa Cebu City.
Umabot sa ₱300 milyon sa pamamagitan ng cash at libreng serbisyo ang inihandog sa mga Siquijodnon.
Nangako naman si Congressman Villa na patuloy na susuportahan ang administrasyong Marcos Jr. lalo na sa mga proyekto nito para sa mga Pilipino.
Bukod sa mga opisyal ng Siquijor, naroon din sa Siquijor State College ang mga mambabatas mula sa karatig lalawigan ng Cebu at Negros Oriental at mga representante ng mga national government agencies na sina CHED chairperson Prospero De Vera III, OPAV Usec. Terence Calatrava, TESDA Usec. Vidal Villanueva III, DOH Usec. Gloria Balboa, DoTr. Asec. Paula Tordesillas, DTI Asec. Dominic Tolentino, DSWD Asec. Paul Ledesma, DMW Director Charles Tabbu, at DOH Director Girlie Veloso.
Ang lalawigan ng Siquijor ang ika-12 benepisyaryong lokal na pamahalaan simula nang inilunsad ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Quirino Grandstand nitong Enero 28.
Ito rin ang unang pagkakataon na ginanap ang BPSF sa Visayas at Mindanao. | ulat ni Jessa Agua-Ylanan | RP1 Cebu