Inanunsyo ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na papayagan pa rin nitong makapasada sa kanilang mga ruta ang mga unconsolidated public utility vehicles (PUV) hanggang April 30, 2024.
Ito ay sa kondisyong rehistrado ang kanilang unit sa Land Transportation Office (LTO).
Nakapaloob ito sa inisyung Memorandum Circular 2024-001 ng LTFRB na hinggil sa guidelines sa consolidation ngayong pinalawig pa ito ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa tatlong pahinang memo, nakasaad na makakabyahe pa rin sa kanilang mga ruta ang lahat ng unconsolidated individual operators basta’t rehistrado ang unit at may valid ding Personal Passenger Accident Insurance Coverage.
“Confirmation of units of unconsolidated individual operators may be allowed until April 30, 2024. The said units are allowed to ply the route as PUV only within the said period,”
Samantala, nakapaloob din sa memo ang guidelines sa paghahain ng aplikasyon sa consolidation, na dapat ay alinsunod pa rin sa documentary requirements at procedures sa ilalim ng naunang inisyung MC 2023-050. | ulat ni Merry Ann Bastasa