Pinapalakas na ng Land Transportation Office ang on-site issuance ng student permits pati na ang renewal ng driver’s license at motor vehicle registration.
Bahagi ito ng patuloy na agresibong kampanya ng LTO laban sa mga fixer.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza II, huling isinagawa ang outreach program sa mga residente ng Marikina City kahapon.
Bukod sa pag-iisyu ng mga permit, lisensya at rehistro ng sasakyan ay mayroon ding libreng serbisyong medikal na alok sa outreach program.
Ang programa ay alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R Marcos Jr. na ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga tao sa ilalim ng programang Bagong Pilipinas.
Tugon din ito ng LTO para tuluyan nang matuldukan ang mga maling gawain ng fixers.
Sa pamamagitan ng outreach program na ito, diretso ang LTO sa mga komunidad para pagsilbihan ang mga tao. | ulat ni Rey Ferrer