Hinimok ni LTO Chief Vigor Mendoza II ang transport groups na tiyaking sumusunod ang lahat ng kanilang miyembro sa batas trapiko sa lansangan.
Sinabi ni Mendoza na may awtoridad ang transport groups, partikular ang kanilang lider, na atasan ang mga miyembro na igalang ang batas trapiko na hindi lamang magreresulta sa maayos na daloy ng trapiko kundi pati na rin sa pagtiyak ng kaligtasan ng kanilang mga pasahero.
Nauna nang hinimok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lahat ng mga motorista na sundin ang mga batas trapiko at mga patakaran at regulasyon sa kaligtasan sa kalsada.
Ang panawagan ng Punong Ehekutibo ay sumasaklaw sa mga nagmamaneho ng mga pampublikong sasakyan na obserbahan ang mga itinalagang loading at unloading zone.
Gayundin, iwasang gamitin ang mga nakatalagang bicycle lane, para sa mga vendor na linisin ang mga bangketa, at para sa publiko na gumamit ng mga pedestrian lane.
Binigyang diin ni Pangulong Marcos ang pangangailangan ng disiplina sa kalsada sa ilalim ng Bagong Pilipinas.| ulat ni Rey Ferrer