Pinatawan na ng 90-araw na preventive suspension ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng babaeng driver ng Sports Utility Vehicle na sangkot sa panibagong kaso ng road rage sa Subic Bay Freeport Zone.
Ito’y matapos matukoy at matunton ng LTO-Region 3 ang driver ng SUV na Toyota Fortuner sa kanyang tirahan sa Morong, Bataan.
Natunton din ang registered owner ng SUV na nakatira sa Makati City na isa ring babae.
Parehong inutusan ng LTO ang registered owner at ang driver na magsumite ng notarized explanation pitong araw matapos nilang matanggap ang Show Cause Order.
Kinailangan din silang personal na humarap sa hearing ng LTO Region 3 sa Marso 1.
Alas-10:30 ng umaga noong Pebrero 17 ng mangyari ang road rage sa kahabaan ng Binictican Road sa loob ng Subic Bay Freeport Zone.
Binabaybay umano ng Hyundai Eon ang kalsada nang tangkaing mag-overtake ng driver ng Toyota Fortuner ngunit kalaunan ay napilitang huminto.
Pagkatapos ay naglabas ng galit ang driver sa Hyundai Eon na minamaneho umano ng isang lalaking senior citizen sa pamamagitan ng paulit-ulit na paghampas nito gamit ang reverse gear habang nakasakay pa ang mga pasahero.| ulat ni Rey Ferrer