Tiniyak ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina na may sapat na suplay ng tubig sa kanilang nasasakupan para malabanan ang matinding paghagupit ng El Niño.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro, sa katunayan ay may ginawa na silang mga hakbang gaya ng paglalagay ng mga water harvesting facility sa mga pampublikong paaralan para pag-imbakan ng tubig.
“Nagre-recyle tayo ng tubig, yung rainwater. Pangalawa, meron tayong mga deep well system with Manila Water. Hindi ito ordinaryong deep well. Ito yung mga nakakabit doon sa pipeline ng Manila Water,” wika ni Mayor Teodoro.
Mayroon din silang anim na deep well systems na konektado sa Manila Water Company at handang magbigay ng tubig sa kanilang nasasakupan.
“Meron tayong mga lima hanggang anim na deep well system na ginagamit kung sakaling bumaba na yung allocation or rationing ng tubig, automatically ito yung magsu-supply ng tubig doon sa pipeline ng Manila Water,” dagdag pa niya.
Magugunitang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order no. 53 na siyang bumubuhay sa Task Force El Niño.
Layon nito na makapaglatag ng mga hakbang para labanan ang epektong dulot ng El Niño sa bansa. | ulat ni Jaymark Dagala