Inatasan ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro ang mga commander ng mga kampo militar sa buong bansa na manguna sa pagtitipid ng tubig.
Ang kautusan ay binigay ng kalihim sa ikalawang pagpupulong ng Task Force El Niño (TFEN) sa Office of Civil Defense (OCD) sa Camp Aguinaldo, nitong Lunes.
Ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa lahat ng ahensya ng gobyerno na obserbahan ang water conservation policy sa gitna ng nararanasang epekto ng El Niño na inaasahang tatagal hanggang Mayo ng taong kasalukuyan.
Binilinan ng kalihim ang mga camp commander na siguruhing maayos ang mga sirang tubo sa mga pasilidad ng militar para walang masayang na tubig.
Hinimok din ng kalihim ang mga miyembro ng militar at mga military dependents sa loob ng mga kampo na makiisa sa “whole-of-government approach” para maibsan ang epekto ng El Niño. | ulat ni Leo Sarne
📸: Fred Abuda