Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na mayroon pang mga susunod na batch na overseas Filipino workers (OFWs) sa Saudi na makatatanggap ng hindi nabayarang sahod at benepisyo mula sa kanilang employers.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni DMW Officer-in-Charge Hans Leo Cacdac, na inihahanda na ng gobyerno ng Saudi ang pangalawa at pangatlong batch ng mga tseke na ipamamahagi sa Saudi OFWs claimant.
Sa ngayon, nitong February 19, umabot na aniya sa 1,100 na mga tseke ang naproseso na at natanggap ng kanilang mga hindi nabayarang sahod at benepisyo.
Inaasahan naman ng DMW, na magkakaroon ng ilang hamon sa pamamahagi ng naturang mga benepisyo gaya na lang ng mga Saudi OFW claimant na pumanaw na at may problema sa pangalan ng kanilang mga tseke.
Kaugnay nito, sinabi ni DMW Undersecretary Bernard Olalia, na magkakaroon sila ng kasunduan sa pagitan ng Landbank of the Philippines at Overseas Filipino Bank upang magkaroon ng espesyal na proseso para rito.
Bubuo rin ang DMW ng focal office para tutukan ang naturang mga issue.
Matatandaang nasa 10,000 OFW sa Saudi ang nawalan ng trabaho noong 2015 matapos mabangkarote ang construction companies na kanilang pinapasukan. | ulat ni Diane Lear