Sabay sabay na nag “I do” ang mga magkasintahan sa isinagawang mass wedding sa Lungsod ng San Juan ngayong Araw ng mga Puso.
Pinangunahan ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang “Kasalang Panglunsod” sa San Juan Gym na taunang programa na ginagawa sa lungsod.
Nasa 57 magkasintahan ang ikinasal na galing pa sa iba’t ibang mga barangay sa San Juan.
Bilang tulong sa mga bagong kasal, binigyan sila ng lokal na pamahalaan ng libreng reception, mayroon ding wedding cake na hugis puso, at cash gift.
Sa mensahe ni Zamora, nagpayo ito sa mga bagong kasal na magkaroon ng bukas na komunikasyon para magkaunaawan at nang sa gayon ay tumagal ang pagsasama.
Pinayuhan rin niya ang mga bagong kasal na magmahalan hanggang sa dulo para maiwasan ang paghihiwalay. | ulat ni Diane Lear