Inilarawan ni dating Finance secretary Gary Teves ang Pilipinas bilang may pinakamaraming paghihigpit sa foreign equity ownership sa buong ASEAN at pangatlo sa buong mundo.
Sinabi ito ni Teves sa ginanap na roundtable discussion kaugnay sa epekto ng regulatory barriers sa foreign direct investment ng bansa na inorganisa ng House of Representatives Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD).
“We are the most restrictive in ASEAN and Vietnam, which has made substantial liberalization, is the least restrictive. We are No. 3 globally,” ani Teves.
Karamihan aniya sa mga paghihigpit na ito ay sa ekonomiya kasama ang agriculture, mining, construction, transportation, media, at telecommunication.
Kaya naman suportado aniya niya ang hakbang ng Kongreso na amyendahan ang mga probisyong pang-ekonomiya ng Saligang Batas.
“Remove those from the Constitution. We are the only country in ASEAN and perhaps in the entire world with those restrictions in the Constitution,” sabi pa niya.
Gayunman, maliban dito ay kailangan din niyang ayusin ang iba pang ‘barriers’ o hadlang sa pagpasok ng mga mamumuhunan at kapital gaya ng ease of doing business, red tape, corruption, infrastructure, logistics, at presyo ng kuryente.
Pagbabahagi pa nito na isa sa mga seryosong balakid din na iniinda ng mga investor ay ang pangingialam at regulasyon ng lokal na pamahalaan. | ulat ni Kathleen Forbes