Nanawagan si Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers para sa agarang pag-apruba ng panukala na mag-aatas sa mga bagong itatayong gusali na magkaroon ng rainwater collection system, lalo na sa mga urban o densely-populated na lugar sa bansa.
Sinabi ni Barbers, layon ng kaniyang House Bill 4837 na magkaroon ng sapat na suplay ng malinis na tubig sa panahon ng kalamidad o weather disturbance gaya ng El Niño, gayundin ay makatulong sa problema ng pagbabaha sa panahon naman ng La Niña.
“The global extreme weather conditions apparently due to climate change prompted the idea calling for the mandatory RCS installation in all residential, commercial and institutional buildings that would be built in the future,” ani Barbers.
Sinabi pa ng mambabatas na hindi na bago ang RCS dahil ginagamit na ito sa mga probinsya kung saan limitado ang suplay ng tubig.
“But in urban or densely-populated areas like Metro Manila, people put little to no emphasis on rainwater collection due to the presence of service companies like Maynilad and Manila water that provide stable and abundant water supply,” dagdag ng mambabatas.
Sakaling maisabatas, aatasan ang mga developer ng mga bagong gusali na magkaroon ng RCS sa kanilang plano habang ang Local Government Units (LGUs) at Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) ay maaaring tanggihan ang pagbibigay ng construction permit kung wala ang naturang RCS plan.
Ang Department of Public Work and Highways (DPWH), naman ay inaatasan na maglagay ng RCS sa mga bagong government building at siyang mangunguna sa pamamahala ng filtration at purification process upang masigurong ligtas ang tubig para inumin.
Ang mga tatalima ay bibigyan ng 10 percent tax credit ng kanilang total real property tax na hindi hihigit sa ₱10,000.
Ang mga lalabag ay papatawan ng multang ₱100,000 hanggang ₱500,000, kada taon na hindi makakatalima.
Ang mga opisyal o empleyado ng pamahalaan na hindi makakasunod ay masususpindi ng 10 hanggang 180 araw. | ulat ni Kathleen Jean Forbes