Itinutulak ni Marikina Rep. Stella Quimbo na pansamantalang ihinto ang PhilHealth premium contributions para sa lahat ng minimum wage earners, mapa-self-employed man o may trabaho.
Sa kaniyang House Resolution 1595, ipinunto ni Quimbo na layon nitong gamitin muna ng Philhealth ang hindi nagagamit na pondo na inilaan sa PhilHealth para sa premium subsidies upang mabigyang kaginhawaan ang mga economically vulnerable na manggagawa.
Tinukoy ng mambabatas na noong 2022, binigya ng Kongreso ng budget na P80 billion ang PhilHealth para i-subsidize ang premiums ng mga indigent na pamilya, senior citizen at may kapansanan, pero may natira pang P24 billion sa pondo.
Nitong 2023 naman sa P79 billion na pondo, may natira pang P39 billion.
Maliban dito mayroon din aniyang financial reserves ang Philhealth na P463 billion.
“The unspent premium of PhilHealth can very well cover the premium contributions of minimum wage earners for at least a year since in 2022 their premium contribution only amounted to P19.6 billion,” saad ni Quimbo.
Sa pagpapahinto pansamantala ng premium contribution magreresulta naman ito ng dagdag na P400 na buwanang kita para sa non-agricultural minimum wage earners sa NCR.
Kasabay nito, nais din ni Quimbo na i-reassess ang benefit package ng Philhealth at premium contribution rates at kung paano ito mapapalawak para mas marami ang makabenepisyo.
Salig ito sa nais aniya ni Speaker Martin Romualdez na magbigay ng benefit package ang PhilHealth na kahalintulad ng mga pribadong HMO na sagot ang mga sakit at pagpapa-ospital
“This temporary suspension is not just about providing short-term economic relief but also about initiating a comprehensive review of PhilHealth’s benefits and contribution structure. The goal is to expand health benefits for all members and potentially reform the contribution structure, or even to possibly eliminate premiums for minimum wage earners and self-employed individuals earning the equivalent of minimum wages.” sabi pa ng mambabatas. | ulat ni Kathleen Forbes