Isinusulong ni Senador Raffy Tulfo ang isang panukalang batas na layong magpataw ng mas mabigat na parusa sa mga nagmamaneho ng lasing.
Sa inihaing Senate Bill 2546 ng senador, ang mga lalabag sa anti-drunk driving law, na magreresulta sa homicide o pagkamatay ng ibang tao, ay papatawan ng multang mula ₱500,000 hanggang ₱1-milyon.
Iminamandato rin nitong kumpiskahin at suspendihin ang lisenysa ng suspek sa loob ng 24 na buwan o 2 taon.
Ipinunto ni Tulfo na sa kabila kasi ng pagkakaroon ng anti-drunk and drugged driving act of 2013 ay talamak pa rin ang kaso ng drunk driving sa bansa.
Katunayan, sa datos ng Land Transportation Office (LTO), sa mga nirespondehan nilang aksidente sa kalsada, 353 sa mga kasong ito ay kinasangkutan ng mga driver na nagpositibo sa alchohol intoxication.
Giit ni Tulfo, kailangan nang agad na ipasa ang batas para sa mas mabigat na parusa para sa mga magda-drive ng lasing.
Wala aniyang dapat na makaranas ng sakit at paghihirap na mawalan na mahal sa buhay dahil sa kapabayaan at maling desisyon ng iba. | ulat ni Nimfa Asuncion